Biglaan siya kung magparamdam. Kung kailan akala kong panahon na para kalimutan, biglang magtetext. Siyempre natuwa ako. Hanggang tenga ang ngiti. Sa totoo lang, hindi ko na inaasahang magkakaroon pa kami ng communication pagkatapos ng ilang linggong hindi siya pumasok. Pero nung nangamusta siya, nabuhayan uli ako ng pag-asa.
Una niyang kinamusta, yung painting na pinangako ko sa kaniya. Sabi ko hindi ko pa tapos. Inuulit ko dahil nasisira ang gawa ko tuwing nilalagyan ko ng kulay. May katotohanan naman yun, pero ang totoong dahilan, tinamad na akong tapusin dahil akala ko, wala na kaming pakialamanan. Ilang linggo din siyang hindi nagparamdam at ilang text ko rin ang hindi niya nireplyan. Nawalan na ako ng gana, pero dahil nandiyan na naman siya, ginanahan na naman akong tapusin yung pinangako ko.
Sabi niya, gusto daw niyang makita. Gusto niya akong pumunta sa pinagta-trabahuhan niya. Sabi ko, hindi ako puwede this week. Marami akong ginagawa at kelangang tapusin. Sumagot siya, sabi niya, pumunta daw ako, naeexcite daw siyang makita yung painting. Sabi ko hindi pa tapos. Next week ko na ibibigay. Sabi niya, okay lang na next week ko na ibigay yung painting. Pero punta pa rin daw ako. Pumayag ako. Sabi ko darating ako ng ala-una.
Buong araw akong hindi mapakali in anticipation of our meeting. Matagal ko na siyang hindi nakikita at nakakausap. Siyempre, sabik din ako sa prescence niya. Mahal ko e.
Tinapos ko lahat ng puwede kong tapusin bago mag 12 ng hatinggabi. Tapos, dumeretso na ko sa trabaho niya. I was expecting na dahil pinapunta niya ako at dahil pinaghintay na niya ako sa wala dati, maghihintay siya ngayon. Pero na disappoint lang ako.
Pag dating ko, may guest daw siya. May guest daw siya at kakatime-in lang. Napanghinaan ako ng loob. Naisip ko, ang usapan ala-una, pinareserve ko na siya sa FM ko, sinabihan na siya ng FM na darating ako ng 1, pero nagpatime-in pa rin siya sa iba. Pero ayos lang, ganun talaga. May hinihintay daw na ibang babae yung guest so malamang, isang oras lang daw siya dun. Naisip kong maghintay na lang… uli.
Pagkatapos ng tatlong stick ng yosi, at pauli-ulit na pagsulyap sa lahat ng gumagalaw na bagay sa may hagdan, sa bar at sa buong club, naburyong na ko dahil wala akong kausap. Nagmumukha na ‘kong tanga sa dining area mag-isa. So, naisipan kong mag-table muna ng iba habang naghihintay. Kilala ko na yung napili ko. Dati ko na rin siyang na-table. Nung pinaghintay ako ni Trisha noon, siya rin ang tinable ko. Ang sabi niya sa’kin, ‘Pumasok na si Trisha ah’. Sabi ko, ‘Oo nga. Pinapunta nga iya ako e’.
Makalipas ang isang oras ng paghihintay at walang makabuluhang pinag-uusapan, dumaan si Trisha. Kinamusta ako, ‘Okay ka lang?’. Sumagot ako, ‘Ayos lang. Matagal ka pa?’. Tulad ng dati niyang sagot, ‘Isang oras na lang.’ At ako, bilang ako, naniwala naman akong isang oras na lang nga ang hihintayin ko.
Pero mali ako.
Alas tres na, hindi pa siya bumababa. Nung tinanong ako ng waiter kung bibigyan ko ng pangatlong oras yung tinable ko, kahit alam kong hindi ko na makakausap si Trisha, sumagot ako ng oo. Ewan ko, siguro kasi kahit bukas na ang mga ilaw, kahit nakabihis na lahat ng mga babae, kahit nag-uuwian na ang lahat, kahit lasing na kami pareho, kahit limang minuto lang, gusto ko pa rin siya makausap. Gusto ko pa rin siya makita. Gusto ko parin marinig boses niya. Gusto ko lang ipakita na mahal ko siya.
Pagpatak ng pasado alas-kuwatro, nakabihis na ang mga babae. Kahit yung table ko, nakabihis na at handa nang umuwi. Ang iniisip ko nun, ayoko namang i-hassle ‘tong table ko na samahan akong maghintay. Baka gusto na rin naman niyang umuwi. So nagbill out na ko’t umalis.
Habang nagmamaneho ako pauwi, ang bigat ng dibdib ko. Hindi ko na naman siya nakita. Pagkatapos niya akong paasahin na magkikita kami, magpapatime-in siya sa ibang guest. Ayos lang sana yun dahil kasama yun sa trabaho niya, pero ang masakit, gumastos ako ng mahigit dalawang libo para maghintay sa isang taong hindi dumating. Sa isang taong hindi ko man lang nakausap kahit five minutes lang.
Mabigat sa bulsa at masikip sa dibdib!
Pagdating ko sa bahay, diretso ako sa kama. Nagtext siya. Nagsosorry. Sabi ko, ‘Sanay na ko.. Ingat na lang pag-uwi..’ Sanay naman na talaga ako. Ilang beses na rin naman akong pinaghintay ni Trisha. Pero aaminin kong naiinis ako ng mga oras na ‘yon. Nagreply siya, tinatanong kung galit ako. Hindi ako sumagot dahil ayokong makapagsalita ng hindi maganda. Tinulugan ko muna.
Hindi ako nakatulog ng maayos dahil sa sama ng loob. Paggising ko, sumagot ako ng ‘Okay lang…’
Lahat ng tanong niya ang sagot ko, ‘Okay lang…’ Nagpaliwanag siya, na bad trip daw yung guest niya kagabi dahil nagpaextend pa. Ang sagot ko, ‘Okay lang…’
Okay lang naman e. Okay lang na nagpaextend yung guest niya. Ganun talaga. Maganda siya e. Sino bang guest ang hindi gugustuhin na makasama siya ng matagal. Naiintindihan ko naman yun. Ang sa’kin lang, may usapan. Pinareserve ko na siya, pinagsabihan pa siya ng FM na darating ako sa oras na napag-usapan. Tapos magpapatime-in siya kung kelan malapit na dumating yung oras na yun.
Ang mas masakit pa dun, siya ang nagpapunta sa’kin. Kahit sinabi ko nang hindi ako puwede dahil marami akong kelangang tapusin, pinapunta pa rin niya ako. Binitawan ko lahat ng ginagawa ko para puntahan siya, kahit marami akong kelangang tapusin, hinold ko lahat para sa kaniya, para makita siya, para puntahan siya dahil yun yung request niya. Pero wala siya.
Ang dami-dami kong ginagawa. Hindi ako mayaman. Maliit lang ang sahod ko. Sana lang kung hindi niya ako mahihintay, hindi na lang niya ako pinapunta. Mabigat sa bulsa ko ang gumastos ng dalawang libo para maghintay lang tapos wala rin akong mapapala.
Ewan ko. Sa dinami-dami naman ng taong puwedeng mahalin bakit pa sa kumplikado? Pero okay lang. Ganun talaga… hindi ko kayang diktahan ang puso ko e.