Nung bata pa ako, mahirap humingi sa nanay ko ng pera. Isa siya sa pinaka matipid na taong nakilala ko. Lahat ng gastos, dapat may praktikal na pinaglalaanan. Pag humihingi ako ng pera para pang lakwatsa, ang lagi kong naririnig, isang mahabang litanya’t pananabon sabay tatapusin niya ng, “Ano tingin niyo sa’kin tumatae ng pera?” bago kunin ang wallet at magbigay ng tatlong daang piso.

Maari nating sabihing bata pa lang kami, tinuruna na niya kaming maging praktikal. Tinuro na niya sa amin ang tamang paghawak ng pera. At siyempre, tinuturuan din niya kaming mag-ipon.

Hindi nagkulang sa pangaral at paalala ang nanay ko. Kaya lang, sa kasawiang palad, isa ata ako sa mga taong may pinaka matigas na ulo sa mundo. Hindi ko ata na-imbibe yung value ng pag-iipon.

Ngayon, eto ako at “broke”. Sobrang salat sa salapi at nabubuwisit ako sa ganitong sitwasyon. Hindi ito ang unang beses na nalagay ako sa ganitong sitwasyon. Ngayon lang uli ako naging zero balance. Sa ikailang beses sa buhay ko, baon na naman ako sa utang at ang mga taong palagi ko nang inuutangan ya wala na ring mapahiram.

Sa mga panahong tulad nito, hindi ko maiwasang mangarap. Sana marami akong pera. Sana may naipon ako, kahit kaunti, kahit hanggang payday lang sana may pera ako. Sana pag pinasok ko sa ATM yung card ko sasabihin niyang may 100k pa ko. Sana madali lang ang buhay. Sana madali lang magkapera. Sana pinipitas lang sa halaman ang isang libong piso.

Mahirap hindi hingin sa diyos ang laging sinasabi ng nanay ko noon… “Sana tumatae ako ng pera.” Kung tumatae ako ng pera, gagawan ko ng paraan para magka-LBM ako ngayon. At kung magkatotoo man yun, hindi ako mahihiyang pulutin uli ang tae ko mula sa inodoro.

Sabagay, madumi naman talaga ang pera diba?…