Kailan ba ko huling nahulog? Hindi ko na maalala kung ano pakiramdam.

Tatlong taon at isang buwan na nang huli akong pumusta sa sugal na kahit kailan, hindi ako nanalo. Masakit matalo lalo na kung puso ang tinataya mo. Kaya simula nun, pinangako ko sa sarili ko na hindi ko na hahayaang mahulog ako ng ganun.

Pero siyempre, hindi naman natin mapipigilang mangyari ang ganun. Kahit sinasabi ng utak mo na iwasan mo, pag naramdaman mo, mamahalin mo – kahit sino pa yan. At yun na nga ang nangyari. Siyempre, walang saysay ang intro ko kung hindi naman tungkol dun yung isusulat ko. Obviously, this whole crap is about how I allowed myself to fall… again!

Simula nang matapos ang huli kong relasyon, inisip kong maglalaro na lang ako. Wala akong seseryosohin dahil pag sineryoso ko, masasaktan lang ako. At ganun nga ang ginawa ko. For the past three years, naghanap lang ako ng mga kalaro.

Sa kasawiang palad, may nakilala ako nung January. Itago na lang natin siya sa pangalang Trisha. Gusto ko sana siyang kalaro. Pero merong bumulong sa utak ko na hindi ko dapat gawin yun sa kaniya. May mga bagay-bagay lang tungkol sa kaniya na hindi ko nakita sa mga naging kalaro ko noon. May mga bagay-bagay sa kaniya na wala kahit sa mga naging karelasyon ko. Nung gabi na yun, nasabi ko sa sarili ko na iba siya.

Unang-una, maganda siya. Isang bagay na hindi ko ide-deny. Sa lahat ng niligawan ko, siya ata ang pinakamaganda (by far). Pero siyempre, hindi lang siya maganda. Mabait siya, madiskarte at ang pinaka-importante, may pangarap. May pangarap siya at gumagawa siya ng paraan para maabot ang mga pangarap na iyon. Ang sabi niya, kaya daw niya ginagawa ang mga bagay na ginagawa niya ay dahil may layunin siya. Kung anuman ang layunin na ‘yon, hindi ko pa alam at mukhang hindi ko na malalaman.

Sinubukan kong alamin kung ano yun. Sinubukan ko siyang kilalanin pa. Binisita ko siya ng ilang beses pa sa trabaho niya para makausap and eventually, makilala sana. Pero kahit anong gawin ko, parang wala akong nalalaman tungkol sa kaniya. Mailap siya sa pagbigay ng mga detalye sa buhay niya.

Pero ayos lang. Ganun talaga ang ligawan… pahirapan.

Eventually, inamin ko rin sa kaniya na may gusto ako sa kaniya. Ang mali ko lang, nung gabi ding yun, nahulog na ako. Hinayaan ko nang mahulog ang sarili ko sa pag-asang sasaluhin niya ako.

Pero hindi niya ako sinalo.

Ang mas masakit pa dun, pakiramdam ko, napaglaruan ako. Tuwing magkasama kami, uber sweet siya pero pag hindi kami magkasama, pakiramdam ko, hindi ako nag-eexist. Pag nagte-text ako, hindi man lang siya nagrereply. Kahit pag nagyayaya ako. Mahirap bang sabihing, “Sorry hindi ako puwede. Busy ako e.” Hindi naman diba? Minsan, “Kamusta?” na nga lang tanong ko wala pa ring reply.

Minsan iniisip ko na ayos lang yun. Ganun talaga. Kelangan talaga paghirapan ang kaligayahan. Kaya lang ang kung titignan kong mabuti, halos hindi niya ako binibigyan ng pagkakataon na gawan man lang ng paraan. Chance lang naman ang hinihingi ko.

Ang problema, mukhang hindi na darating ang pagkakataong hinihintay ko. Nung huli akong pumunta sa trabaho niya, may nagsabi sa’kin na dalawang linggo na daw siyang hindi pumapasok. Pakiramdam ko, hindi na siya papasok uli. Mukhang hindi na kami magkikita uli. Parang wala na akong pag-asa talaga.

Pero ewan ko, bahala na. Maghihintay na lang ako. Sana lang, kung ayaw niya ako maghintay, sabihin niya para hindi ako nagmumukhang tanga.

Ito na nga ba sinasabi ko e. Dapat naglalaro na lang ako.