Gusto ko bumili ng gitara, yung acoustic, yung steel strings,  yung buo yung tunog, yung kahit wala akong kabanda, gwapo pa rin ako. Matagal ko nang pinapangarap magkaroon ng ganung klaseng gitara.

Gusto ko kasing matutong tumugtog. Tapos, mag-aaral akong kumanta kasabay ng pagtugtog. Siyempre, gusto ko nasa tono yung boses ko. Kahit wala sa tono yung gitara, basta nasa tono yung boses ko, pwede na.

Gagawa ako ng mga versions ko ng mga sikat na kanta. Kakantahin ko yung “Whatever You Like” ni T.I., yung “No Scrubs” ng TLC, yung “Single Ladies” ni Beyonce at kung anu-ano pang mainstream na mga kanta. Siyempre lahat gagawan ko ng acoustic version. Pag-aaralan ko lahat yun kasi okay yun na pang pick-up ng mga chicks.

Tapos irerecord ko sa video yung mga pinaggagagawa ko. Ipo-post ko sa YouTube lahat. Tapos magdadasal ako ng mataimtim na sana, balang araw, maging YouTube sensation din ako.

Pag sumikat na ko sa internet, lalapit na ko sa mga recording companies. Ipapakita ko yung mga nirecord kong video at aasang mao-oferan ng recording contract. Pag nagrelease ako ng album, gusto ko ako ang gagawa ng album cover. Kasi gusto ko ring sumikat bilang visual artist at masabihan ng mga magiging fans ko ng, “Mutli-talented ka pala”, na sasagutin ko ng, “Hindi naman” para humble kunyari. Tapos maghihintay na lang ako ng ilang pang mga araw, linggo at buwan dahil baka sakaling sumikat ako sa radyo at sa TV ng biglaan… kahit sandali lang.

Paglumalabas na ko sa TV, hindi na malayong magkaroon ako ng syotang artista. Sana maging kami ni Angelica Panganiban… kasi… mukha siyang mabango e.