Tatlong taon. Oo, tatlong taon na akong walang totoong relasyon. Tatlong taon na akong walang tinetext tuwing paggising ko ng “Good Morning”. Tatlong taon na akong walang tinatawagan tuwing gabi para sabihing, “Pahinga ka na Babe”. Tatlong taon ang tinahak kong mag-isa at walang kasangga.

Sa loob ng mahabang panahon na iyon, marami na akong mga bagay na pinagdaanan. Mga pagsubok na, sa totoo lang, nakakalungkot at nakakapagod haraping mag-isa. Mga problemang magiging mas madaling solusyunan kung may kasama. Pero wala. Wala akong kasama, walang kasangga, walang kaakibat sa panahong nakikibaka laban sa pahirap ng tadhanang mapagsamantala.

Sinubukan kong maghanap. Maghanap ng isang nilalang na pwede kong paglaanan ng panahon at emosyon. Sinubukan kong maghanap pero parang pinagtaguan nila akong lahat.

Ngayong, medyo matagal na ang panahong nagdaan nang huli akong nakaramdam ng tunay na pagmamahal, parang nakalimutan ko na kung paano. Nakalimutan ko na kung paano talaga magmahal magpakita ng pagmamahal, at tumanggap ng pagmamahal.

Kung makakakita ako ngayon ng isang nilalang na maari kong mahalin at maaari rin akong mahalin, hindi ko na alam kung paano sisimulan. Hindi ko na alam kung anong unang sasabihin. Hindi ko na rin alam kung paano ko dadalhin sa sitwasyong pwede ko nang masabing ito nga ang babaeng para sa akin.

Sa tagal ng panahong pinalamig ang puso’t pinilit maging bato, hindi ko na alam kung paano tutunawin ang puso.

Tumatanda na ako. Tumatanda’t naghahanap na ng makaksamang mag-aalaga at aalagaan. Pero ngayong nakakaramdam na ako ng ganito, napagtanto kong mahirap pala. Mahirap palang magmahal uli. Mahirap magmahal uli dahil nakalimutan ko na kung paano. At mas mahirap makahanap ng taong magugustuhan ko dahil hindi ko alam kung saan sila nagtatago.

Simple lang naman ang hinahanap ko. Gusto ko lang ng isang taong makakasundo ko. Hindi naman sa lahat ng bagay dahil masaya rin namang magkaroon ng pabugso-bugsong away. Pero sa kabuuan, sana kaya ko siyang sakyan at kaya niya rin akong maintindihan.

Gusto ko lang nga isang taong pwede kong kausapin ng kahit ano. Kahit anong bagay na interesado ako at kahit anong interesado siya. At pagkatapos naming mapag-usapan ‘yon, magtutulungan kami para mangyari ang mga bagay na gusto naming mangyari para sa bawat isa. Kung papalarin, sana pareho kami ng gusto, para pwede naming abutin ‘yon ng magkasama.

Gusto ko lang makahanap ng taong maiintindihan ang mga kaweirdohan ko. Alam kong malabo akong tao at minsa’y mahirap maintindihan ng mga nilalang na may maliit na utak ang limitadong kakayahan ng pag-intindi. Pero sana, may mahanap akong indibidwal na may malawak na pag-iisip na kayang sakyan ang mga walang saysay na produkto ng pagmumuni-muni ko.

Gusto ko lang ng isang taong kasabay kong tatanda. At sana, sabay kaming tatanda ng masaya.