Sa dinami-dami ng mga katangahang ginawa ko sa buhay, hindi nakakagulat na marami akong pinagsisisihan. Pero taliwas sa popular na pag-iisip ng mga nakakababang nilalang, hindi ko inaasam na iballik ang panahon kung kailan ako nadapa’t natilamsikan ng putik sa mukha. Hindi ko inaasam baguhin ang nakaraan dahil walang karunungang mapupulot sa pagbaliktad ng kasaysayan. Nakanamputa… Ganda!

Oo, may panahon sa buhay ko na ginusto kong magkaroon ng Time Machine. Ginusto kong bumalik sa isang yugto ng makulay kong buhay at baguhin ang mga pangyayaring nagdulot ng pilat sa maselan kong katauhan. Pero ngayong pinag-iisipan kong mabuti, anong mapapala ko sa pagbalik sa nakaraan at pagpalit ng mga kaganapang hindi ko nagustuhan? Ngayong lumalim ang aking pag-iisip at nadagdagan ang aking karunungan, tila walang kahulugan ang hangaring pagsalba ng nakaraan.

Mawawalan lang ng kulay ang masaya kong buhay kung papalitan ang kasaysayan, hindi ko matututunan ang mga bagay na nagbibigay sa akin ng karunungan kung mawawala ang mga karanasang naganap sa panahong nagdaan.

Mas mabuti nang tanggapin na naganap ang mga masasakit na bagay at matuto kesa tanggalin ang mga sugat at manatiling mangmang. Mauubos lang ang oras mo sa pag-iimbot at pag-iisip ng walang saysay na mga bagay kung hahayaan ang sariling malugmok sa pagnanasang iwasan ang mga tinik na sumugat sa puso, isipan at kaluluwa.

Ang iniisip ko na lang ngayon ay kung paanong gagawing mas makabuluhan ang bawat araw na nagdaraan. Mahalaga ang panahong lumipas at hindi ito dapat kalimutan pero hindi mo dapat hayaang pigilin nito ang pag-unlad mo sa mga darating pang mga araw. Hindi pagpalit ng kasaysayan ang tugon sa pighating nararamdaman kundi pagtanggap at paghubog ng sarili upang malampasan ang mga nararanasan at darating pang mga balakid na dati nang inihanda ng tadhana.

Hindi ko na inaasam magkaroon ng “Time Machine”. Hindi ko na hangad na baguhin ang kahapon dahil nakatutok na ako ngayon sa hinaharap. Ang mahalaga ay ang ngayon at bukas. Ang mahalaga ay kung paano ako magiging kuntento sa darating na mga araw.

Sa ngayon, kinakalimutan ko na ang mga pangit na mga pangyayari’t iniisip ko nalang kung paano ako magkakaroon ng limpak-limpak na salapi, kung paano ko magagawang sasambahin ako ng masa’t paano ko makakamit ang wagas na pag-ibig… pwede rin ang World Domination.