Bakit ang tao ginawang vain?

Nakakainis. Nakakainis hindi dahil marami akong nakikitang mga taong vain at nagpapaka-vain kundi dahil alam kong isa ako sa kanila.

May kaniya-kaniya tayong paraan ng pagiging vain. Hindi man natin aminin sa sarili natin, alam ng mga kaluluwa ng mga ninuno nating nanonood sa’tin na sa ilalim ng maskarang hinaharap natin sa mga tao, vain tayo. Oo… tayo, dahil hindi mo man aminin, pilitin mo mang ipagkaila sa mga tao sa paligid mo,  meron ka, hanggang sa kalibag-libagan mong, nakatagong vanity.

Ang taong vain, hindi nangangahulugang gusto lang maging maganda o sexy, hindi lang ito mga taong gumagastos ng libo-libong salapi para bumili ng beauty products, bumili ng branded na mga damit, nagpapalki ng katawa’t nagpapapawis sa gym o nagpaparetoke ng katawan sa tulong ni Dr. Vicky Belo.

May iba-ibang uri ng vanity depende sa klase ng tao. May mga taong vain sa dami ng babaeng napaiyak na at papaiyakin pa lang. Ito ang mga taon hindi makuntento sa isa at ayaw lumagay sa tahimik kahit kwarenta na dahil gusto pang magkwento sa barkada ng mga bagong biktima. May mga taong vain sa achievement. Ito yung mga taong Suma Cum Laude na, hindi pa rin kuntento. Gusto pa nila’y may sumasamba sa ganda ng thesis nila, ipapa-laminate pa ang official transcript para ay pruweba. May mga taong vain sa dami ng gadgets na meron sila. Gusto nila, maraming nabibilib at naiinggit sa mga gamit na pinagbibibili nila. Kahit hindi nila kailangan, basta mahal at bagong model, bibilhin nila para lang masabing techie sila.

Ako, simple lang ang vanity ko. Simple pero hindi rin ako makuntento. Gutso ko, tuwing may gagawin akong maganda o bago, papansinin ng mga tao. Kahit tapik lang sa likod ayos na basta may recognition.

Kung may gagawin akong sketch, gusto ko mabilib ang mga tao sa’kin. Lalo na yung mga artist. Kung walang artist na magsasabing magaling ako, mabuburaot ako. Kung may matututunan akong bagong trick sa skateboard, ang una kong gagawin ay tumingin sa mga kasama. Kung hindi nila nakita, uulit-ulitin ko hanggang may magsabi sa’king, “Tangina ang galing mo na pare!”. Kahit pa gaano kadali ang trick na yun, kung ngayon ko lang siya nagawa, gusto ko pa rin ng tapik sa balikat.

Nakakainis. Nakakainis dahil sagabal siya sa pag-unlad. Imbis na matuto ako ng ibang bagay na mas mahirap at mas komplikado gawin, nananatili ako sa paggawa at pag-ulit-ulit ng mga bagay na madali na para sa’kin. Naghihintay ako ng mga baguhan at nag-aaral pa lang para mabilib at sumamba sa’kin. Kaya akonapag-iiwanan ng mga batang nung isang linggo lang nag-aral magdrawing o mag skate board.

Tangina! Ayoko na maging vain pero gusto ko pa ring maging magaling.