Paano ba maging isang makata?

May panahon sa buhay ko kung kailan sumubok akong magsulat ng mga maikling kwento’t mga tula, panahon sa buhay ko kung kailan pinakamalakas ang pakiramdam kong buhay ako’t may silbi sa mundo, panahon sa buhay ko kung kailan pinakataas ang tingin ko sa sarili ko’t pakiwari ko’y matalino ako, panahon sa buhay ko kung kailan ako pinakamasaya… panahon sa buhay kong matagal nang tapos at limot na.

Gusto kong sariwain ang kabataan kung kailan sagaran ang pagpiga sa aking isipan. Gusto kong alalahanin ang mga paraan kung paanong may lumabas na magagandang mga lipon ng salitang pinagtagpi-tapi’t nakalikha ng matatamis na talinhaga. Gusto ko muling subukang magsulat ng mga bersong pinag-isipan at ikatutuwa ng mga mambabasa.

Apat na taon.

Apat na taon ko nang sinusubukang magsulat at lumikha ng mga tulang maipamamalaki’t maipagyayabang sa mga dating kasamahang nalimutan na rin ang sining. Apat na taong puno ng kabiguan ilang ulit mang ipagpilitan.

Kung paano akong nakabuo ng mga tula’t talinhaga noong wala pa akong alam, ay hindi ko alam. Nakakatawang isiping kung kailan pa ako nagkaroon ng mas malalim na pananaw at mas malawak na pag-intindi sa mundo, doon ko pa nakalimutan kung paano maging makata.

Pag-ibig, pagkakaibigan, pag-aaral at walang katwirang galit samundo: ‘yan ang madalas na mga usapin ng mga likha ko. ‘Dyan lang umiikot ang mga tula’t maikling kwentong naisusulat ko dahil ‘yon lang ang alam ko.

Ngayon, kung kailan ako nagkaroon ng karunungan sa pulitika, lipunan, kahirapan, pagtatalik, pera at pakikibaka, ngayon pa ako nahihirapang humuli ng mga salita, ngayon pa ako nahihirapang bumuo ng mga talatang may tugma.

Unti-unti nang natuyo ang aking isipan. Siksik at liglig man sa kaalaman, nakalimutan naman ang paraan. Gusto kong maalala kung paano nga bang maging makata., kung paanong gumawa ng mga tula, kung paano ang paglikha.